Ang “12 Mga Apostol” –

Mga inimbentong  tagasunod ng inimbentong Tagapagligtas

Sources:
The Good Bible – in all its Goodly Versions
Thomas Sheehan, The First Coming (Crucible, 1986)
David Farmer, Oxford Dictionary of Saints (OUP,1997)
Bruce Metzger, Michael Coogan (Eds) The Oxford Companion to the Bible (OUP, 1993)
Edward Gibbon, The Decline & Fall of the Roman Empire (1799)
Michael Walsh, Roots of Christianity (Grafton, 1986)
Robin Lane Fox, The Unauthorized Version (Penguin, 1991)
Helen Ellerbe, The Dark Side of Christian History (Morningstar & Lark, 1995)


Sulatan ang may-akda -
Kenneth Humphreys
Site Search: search tips    site map
23.01.09

Ang sulating ito at mahigit limampung iba pa ay makukuha rin bilang isang aklat. Bilhin ang iyong sipi dito..

 

Oras Ng Kuwentuhan

“Noong panahon ni Tertullian at Clemente ng Alexandria [pawakas ng ika-2 – maagang ika-3 na siglo] ang kaluwalhatian ng pagiging martir ay iniuugnay lamang kina San Pedro, San Pablo at Santiago.

Ito’y dahan-dahang iniukol din ng mga Griyego nang maglaon sa mga natitira pang mga apostol, kung kanino ay mautak nilang pinili bilang kanilang entablado ang mga dakong labas sa mga bakuran ng Imperyo ng Roma (kung malayo mahirap kumpirmahin ang istorya), mga bansa kung saan sinasabing sila ay nangaral at nagdusa.”

– Gibbon, Ang Paglubog at Pagbagsak ng Imperyo Romano, 15.

 

 

 

 

Pabrika ng Guniguni

“Sa kanilang tahimik na pag-iisa, nililibang ng mga pari ng mga sumunod na panahon ang kani-kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagpapantasya kung paano pa mapapalapad  ang mga kamatayan at dalamhati ng mga sinaunang martir, kumakatha ng kung ano-anong mga pagpapahirap na lalo’t lalo pang nagiging masalamisim at pulido sa pagdaan ng panahon.”

– Gibbon, Ang Paglubog at Pagbagsak ng Imperyo Romano, 15.

 

 

 

 

Kapalarang Masahol Pa Sa Kamatayan

“Naiuulat na ang mga babaeng deboto, pawang mga handa na alipustain ang kamatayan, ay sinasadlak kung minsan sa mas malubhang paglilitis, at tinatawagan upang alamin kung higit ba ang pagpapahalaga nila sa kanilang relihiyon o ka kanilang puri …

Namamagitan kung magkaminsan ang mahiwalang kapangyarihan upang mapanatili ang mga dalisay na kabiyak ni Cristo laban sa pagkasirang-puri dala ng paglugmok na labag sa kanilang kalooban.”

– Gibbon, Ang Paglubog at Pagbagsak ng Imperyo Romano, 15.

 

 

 

 

Retokado

Si Santa Agatha

Inilaan ni Agatha, isang mayamang donselya ng Sicily, ang kanyang pagkabirhen para kay Cristo. Ngunit laban sa kanyang puri ay may maitim na balak ang konsulado Romano na si Quintinian.

Nang mabigo, ipinatapon niya si Agatha sa isang bahay-aliwan na pinapatakbo ni ‘Aphrodisia’. Ngunit nakuha pa rin ni Agatha na panatilihin ang kanyang kabirhenan.

Ginarote si Agatha ng galit na galit na si Quintinian, ipinalatigo siya, at ipinatanggal ang kanyang mga suso, na makababalaghan namang bumalik dala ng isang pangitain kay San Pedro.

Ipinagulong-gulong si Agatha ng determinadong konsulado sa mga nagbabagang uling na may halong mga bubog ng palayok.

Namatay si Agatha sa bilangguan. Sinunog din siya ng buhay sa tulos. Gayun din naman, nang ayaw siyang masindihan, ay pinugutan siya ng ulo. 

Matinding karahasan at sex ito sa kasaysayan ng simbahan.

 

 

 

 

 

Ano Kaya ang Gagawin ni Jesus?

"Sinasalaysay ni Jerome, sa kanyang Alamat ni Pablo na Ermitanyo, ang katakatakang kuwento tungkol na isang binata na iginapos sa isang kutson ng mga bulaklak at pinagsamantalahan ng isang maganda at hayok na babaeng taga-palasyo.

Nilabanan niya ang papainit na papainit na tukso sa pamamagitan ng pagkagat sa kanyang dila hanggang maputol”

– Gibbon (Ang Paglibog at Pagbagsak ng Imperyo Romano, 15)

 

 

 

 

 

 

Utak ng Isang Panatiko

Si San Ignacio?

Medyo sumobra yata ang pag-aalala kung papaano siya mamamatay?

“Hayaan ang apoy, ang garote, ang mga ganid na hayop, ang pagkadurog ng mga buto, ang pagkabunot sa mga braso at hita, ang pagsugat sa buo kong katawan, at ang mismong pagpapahirap ng diablo at ng impiyerno ang dumating sa akin, upang matamo ko si Cristo.”

– Foxe's Book of Martyrs, 1968


Diumano’y sinulat ni Ignacio kay Policarpio ang talsik-laway na kalokohang ito habang patungo siya sa pagkamartir sa Roma noong 115.

 
 

 

 

 

 

GAANO Katangkad Nga?

“Wari ay tinatanggap ng sangkalahatan na ang mga Clementina ay hango sa mga aral ng Aklat ni Elchesai o Helga, na madalas gamitin ng mga Ebionita.

Ang mga nilalaman nito ay sinasabing ipinahayag ng isang anghel siyamnapu’t anim na milya ang taas noong taong 100 sa banal na si Elchesai …”


– Ang Catholic Encyclopedia, IV.

 

 

 

 

 

Pagkain ng Leon?

Walang nagsabi na ang mga Cristiano ay “itinapon sa mga Leon sa Colosseum” sa Roma bago ang ika-17 siglo – nang ang nasabing ampiteatro ay pinagnanakawan na ng mga materyales nito para itayo ulit ang Basilica ng St Peter.

 

 

 

Bakit at Papaano Inimbento ang mga Apostol

ni Frank Zindler

 

 

 

 

 

Ang mga malagim na listahang ito ng kahusayan sa sadismo ay nakakatuwa sana kung hindi lang dahil sa katotohanan na, pagkatapos nila papaniwalain ang kanila ring mga sarili na nagdusa ang kanilang mga tagapagpasimula sa nasabing paraan, sa totoo lang ang mga Cristiano ang talagang nagpataw ng malulupit na barbaridad sa kanilang mga kalaban.

 

 

 

 

 

PS: Isang apostol na babae?

“Batiin ninyo ang mga kamag-anak ko at kasama sa bilangguan, sina Adndronico at Junia, na kapwa mga kilala sa mga apostol, na mga nauna pa kay Cristo kaysa akin” – Roma 16:7

Nakatala sa ilang mga matatandang kasulatan, kabilang ang payrus P46 nang humigi’t kumulang 200, ang pambabaeng kasarian sa pangalang “Junia”. Ngunit sa mga sumunod na mga sipi ay may dagdag na kudlit na ang huling banghay ng pangalan, upang pagmukhaing “Junias”, isang pangalan na nasa kasariang panglalake.

 

 

Ang Bahay Na Gawa sa Baraha ng Cristianismo

Isang hangal na kuwento tungkol sa ahas at mga hardinero, mga kathang-isip tungkol sa pulutong ng mga patriarkang Hebreo, mga di-mapatunayang kalokohan tungkol sa pagkaalipin sa Ejipto – at panimula pa lang lahat yan!

Mga hula na dinukit mula sa mga buladas ng mga manghuhulang matagal nang patay, mga pirapirasong mumog na galing sa mga tanyag na alamat, maraming ulit na pagkakalikot sa mga nakasulat, at iba’t ibang mga alternatibong tagpo na pinulot-pulot at pinagpasapasa, at karakaraka – bulaga! – pasok ang isang maalapaap na tagapagligtas ng sangsinukob.

Paikot sa nadang taong-dios na ito ay inimbento ng mga makathaing-isip ang isang barkadahan ng mga alagad na sa katulad na paraan ay hindi rin kailanman umiral. Ang matatayog na mga taong ito ay binigyan ng sari-saring makukulay na kuwento tungkol sa kanilang bulaang kamatayan, at ang kanilang mga maalimuom na kabayanihan ay sinasabing nanghimok sa maraming salinglahi ng mga mapagmahal na Cristiano upang diumano’y magdusa ng di kawasang kalupitan sa kamay ng mga tulisang emperador ng Roma.

Ngunit sabi nga nila ang kabutihan ay nagtatagumpay sa kasamaan. Inagaw ni Constantine ang kapangyarihan at ang kanyang sakim na ambisyon ay iniugnay sa simbolo ng krus, isang palsong sagisag ng diumano’y pahintulot ng Dios. Ang marahas na pagpuksa sa mga tumututol ay minaskarahan upang palitawin na isang magiting na pakikipagbaka laban sa mga puwersa ng diablo. Ang paghahariharian ng papa ay nagbabalat-kayo bilang pag-ibig ni Cristo sa Simbahan.

Sa bandang huli, mapapagal ang mga santitong isip sa mga inimbentong santo at sa banalidad ng Simbahan. Sa watak-watak na kaharian ni Cristo, mayroon ay mayroon sa mga pari ang babalik at babalik sa purong-purong kathang-isip – sapagkat narito ang pera, kahit pa ba sa sariling sulok-sulok lang nila ginagawa ang pangangalakal sa mga bagay na banal.

 

Mga Martir Para sa Kilusan: Sila na “Mga Nagdusang Alagad”

“Papayag ba namang magdusa at mamatay ang mga alagad alangalang sa isang inimbentong tagapagligtas?”


Isa sa mga patpat ng dayami na nagsisilbing tukuran ng mabuway na gusali na tinatawag na Sangkakristyanuhan ay ang diumano’y naging pagdurusa ng mga orihinal na apostol, ang 12 alagad na pinili mismo ng Panginoon, at ang naging mapait na kinasapitan nila. Dahil sa kanilang magigiting na sakripisyo, nakamtan diumano ng mga karapatdapat na martir na ito ang kanilang mga korona, at pagkatapos ay sinamahan ang kanilang Panginoon sa langit. Sa kanilang mga ginawa ay hinimok ang maraming salinglahi ng mga Cristiano sa kabayanihan, at sila pa sa bandang huli ang nagturo sa mga berdugong Romano ng mga asal Cristiano tulad ng awa at pag-iibigang magkakapatid. Sa totoo lang, yan ang kathang-isip.

Totoo na ang ang kalupitan at pagdurusa ay lagi nang nakadikit sa kasaysayan ng Simbahan. Datapuwat madalang na ang mga panatiko ni Cristo ang mga naging inosenteng biktima ng mga kalupitan at pagdurusa na yaon. Sa halip, hindi nila sariling dugo kundi dugo ang ibang mga tao ang nasa kamay ng mga Cristiano.

WALANG mapagsasaligang katibayan para sa naging pag-iral ng labingdalawang apostol at SUKDULANG WALANG anomang ebidensya para sa sarisaring makukulay na paraan ng pagkamatay na sinasabing naranasan nila bilang mga martir. Ang Biblia nga mismo ay tumukoy lamang sa kamatayan ng dalawa sa mga apostol, si Santiago na ipinapatay ni Herod Agrippa (tingnan ang Santiago para sa pagtalakay ng masalimuot na personaheng ito) at ang mapusok na si Judas Escariote (tingnan sa ibaba), na nakakuha pa nga ng maraming ulit na kamatayan komo ba siya ang kontrabida.

Ang matatayog na pabula ng kabayanihan at kamartiran diumano ng mga kilalang apostol ay pawang nabibigyang-buhay dahil lamang sa katha at tradisyon – at ang mga ito ay kapwa pakana ng sinaunang simbahan sa hangad na makilala ang kanyang karapatan at pagkalehitimo. Ngunit ang mga magkakaibang kuwento at ang mga nagsasalungatang paraan diumano ng pagkamatay nila ang sa totoo lamang ay tumatayong maugong na saksi sa malaking pandaraya na nakakapit sa mga palsong kasama ng palsong taong-dios.

 

Ang Inimbentong Kamatayan ng mga Apostol

1. Si Pedro (kilala rin bilang Simon, Cefas)

“Pinugutan ng ulo ni Nero?” Hindi man. Ang alamat na ito ay alimuom lang ni papa Aniceto (156-166) noong gitnang-2 na siglo, nang siya ay maipit sa tunggalian laban kay Policarpio ng Smyrna. Tinangka na mapagwagian ni Policarpio ang pagtatalo (tungkol sa petsa ng Kuwaresma) sa pamamagitan ng pag-aangkin na may karapatan siya na galing kay apostol Juan. Bilang tugon, isinangkalan ni Aniceto si apostol Pedro, at aniya si apostol Pedro, bilang “prinsipe ng mga apostol” ay nakahihigit kay Juan. 

Ginawang “unang obispo ng Roma” si Pedro ng mga kasulatang galing lang noong ika-2 na siglo na kilala bilang “Mga Clementina”. Ang mga pagkakathang-isip na nangyari noong ika-3 na siglo ang nagbigay naman kay Pedro ng diumano’y 25 taon ng pag-upo bilang papa – at hindi naman nila nahalata papaano kaya siya naipapatay ni Nero kung gayon. Pero, aba teka, huwag kukuwestiyunin ang “tradisyon”.

Pinanaginip rin ng ika-3 siglong si Origen, isang ama ng simbahan, ang makulay na salamisim tungkol sa pagtanggi diumano ni Pedro na maipako sa krus pareho ng kanyang Panginoon. Hindi siya diumano karapatdapat sa isang kahawig na kamatayan, kaya pinili niya ang ikalawang paraan, ang maipako sa krus ng pabaliktad!

 

2. Si Santiago, anak ni Zebedeo (Santiagong Dakila?)

Sabi lang ng Gawa 12.1,2:

“Ngayon nga, sa mga panahong yaon, iniunat ni Herodes na hari ang kanyang kamay upang pasakitan ang ilan sa iglesia. At pinatay niya sa tabak si Santiago na kapatid ni Juan.”


Nang lumaon ay idinagdag pa sa alamat ang napakapambihirang kalokohan na nahikayat diumano sa pananampalataya ang kawal na nagbabantay kay Santiago, kaya’t ora mismo ay nagpasiyang magpapugot rin ng ulo katabi ni Santiago! May mga sumunod pang kabulaanan na nagsasabing nagpagala-gala muna si Santiago sa Espanya bago sumibat ulit sa Judea para magkapamartir.

 

3. Si Juan, anak ni Zebedeo

Itong mama na ito ay kailangang mapanatiling buhay ng matagal para maaruga niya si Maria, mapamunuan ang iglesia sa Efeso, at isulat ang Aklat ng Apocalipsis. Nakuha rin niyang mabuhay pagkatapos mapakuluan sa mantika, at pagkatapos ay bibigyan ng isang natural na kamatayan.

Kung tutuusin, nawala na lang bigla si Juan bar Zebedeo sa kuwentong-barbero ng Mga Gawa kasabay ng madramang pagpatay kay Santiago. Ang huling banggit kay Juan ay nasa 12.2. Mula Gawa 12.2 pasulong, ibang Juan na ang makakasalamuha natin, isang “may pamagat na Marcos” – isang maliit na personahe na sa kabila ng lahat ay kinikilala pa rin na may-akda diumano ng pinakaunang ebanghelyo.

Ang napipintong paglaho ng kulog brothers ay ipinahiwatig na sa ebanghelyo ni Marcos (na pinalawig naman sa Mateo, kung saan dito, si Ginang Zebdeo ang nagsasalita). Humihingi ng upuang primera klase ang magkapatid pagdating nila sa ibayong buhay. ‘Wa-pansin ito ni JC:

“At si Santiago at si Juan, ang mga anak ni Zebedeo, ay lumapit sa kanya na nagsasabi, Panginoon, ibig namin na gawin mo para sa amin ang anoman na aming hangarin. At sinabi niya sa kanila, Ano ang ibig ninyo na gawin ko para sa inyo? Sinabi nila sa kanya, Loobin mo na maupo kami, isa sa iyong kanan, at isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaluwalhatian.

”Sinabi ni Jesus sa kanila .. ang maupo sa kanan ko at sa kaliwa ko ay hindi sa akin para ibigay; ngunit ibibigay sa kanila na pinaglalaanan ng mga ito. At nang marinig ito ay nagpasimula silang magalit na lubha kina Santiago at Juan.” – Marcos 10:35-41.


Kung gayon, samantalang tampok ang magkapatid na Santiago at Juan, mga sinasabing “anak ng kulog” (Marcos 3.7) noong panahon ng panlupang gawain ni Jesus, nakatuon naman ang kuwento ng matandang iglesia sa isang bagong Santiago na “kapatid ni Jesus”, at sa isang bagong Juan na alipores ni Pablo at Barnabas (tingnan sa ibaba). Kakaunti ang alam natin tungkol sa dalawa, ngunit ang pagkamatay ni Santiago bar Damneo (Josephus, Antiquities 20.9) ang nagsisilbing basehan para sa makulay na kamartiran ni Santiago, ang totoong sinisinta ng mga tagapagtanggol Cristiano.

 

4. Si Andres, kapatid ni Pedro

Binigyan si Andres ng santong imbento ng isang kahanga-hangang karera na sakop lahat mula Scythia hanggang Grecia, mula Asia Menor hanggang Thracia. Mukha yatang kinuha naman ng mamang ito ang ikatlong paraan ng pagpapako sa krus: gamit ang isang hugis-ekis na krus. Sa kabila nito nagpatuloy siyang mangaral ng dalawang araw pa.

 

5. Si Felipe

Inilagay siya ng alamat sa Phrigia, Carthage at Asia Minor. Lumilitaw sa kuwentong-barbero na ipinapako siya sa krus ng isang konsulado dahil nahikayat niya sa relihiyon ang kanyang asawa. Siguro nasobrahan ng kaunti ang piyesta de amor.

Medyo nakakalito, pero mayroong dalawang Felipe. Ang orihinal na apostol ay biglang nawala na lang sa kuwento matapos masaksihan si Jesus na umakyat sa langit mula sa Bundok Olivo. Kasama ang buong barkada, bumalik si Felipe sa silid sa itaas ayon sa Gawa 1.13. Ngunit sa Gawa 6.5, may pangalawang Felipe na napili naman bilang isa sa pitong mag-aasikaso sa pagpapakain sa mga babaeng balo.

 

6. Si Bartolomeo (Nathanael)

Mahusay na biyahero – sa India, Persia, Armenia, Ethipia at Timog Arabia! Isang kababalaghan, nakuha niyang maipapako sa krus (binalatan ng buhay at pinugutan!) kapwa sa India at sa Armenia! Napakahusay. Kahit na pugot na ang ulo, nagawa pa rin ng mga putol niyang mga bahagi na magbiyahe. Isang simbahan sa Roma ang umaangking nasa kanila ang maramihan sa kanyang bangkay, samantalang ang Canterbury noong ika-11 siglo ay nagpakayaman sa kanyang braso! Ang sagisag ni Felipe ay ang kutsilyong pambalat. Mahusay.

 

7. Si Mateo (Levi na anak ni Alfeo)

Ang mamang ito ay kailangang mapanatiling buhay hanggang sa maisulat niya ang kanyang ebanghelyo – hindi bababa sa 20 taon pagkatapos na mamatay diumano si Cristo. 15 taon ang ibinibigay sa kanya na pananatili sa Jerusalem, pagkatapos ay nagmisyon sa Persia at Ethiopia at, siyempre hindi maaaring kalimutan, kapwa siya namatay sa dalawang nasabing lugar. Batay sa mga rebulto niya noong Gitnang Panahon, may suot siyang antipara o salamin sa mata – para di nga naman magkamali sa pagbilang ng mga kolekta sa buwis.

Kung si Mateo, na kilala rin bilang Levi, ay anak ni Alfeo (Marcos 2.14), kung gayon masasabi na kapatid siya ni Santiago na anak ni Alfeo (Marcos 3.18). Ngunit ang sabi sa atin, si Santiago na Mababa ay anak ni Maria, na kapatid ng Birhen at asawa ni Cleofas (Juan 19.25). Kung gayon, ang ebanghelistang si Mateo ay pinsang-buo mismo ni Jesus! Subalit sinasabi sa atin ng Gawa 1.13 na si Santiago na Mababa ay may kapatid na tinatawag na Judas (o Jude), samantalang sinasabi ni Marcos (15.40) at ni Mateo mismo (27.56) na may kapatid si Santiago na nagngangalang Joses. Kung gayon mayroon tayong isang matalik na kapatiran dito: sina Santiago, Joses, as Judas – isali pa si Mateo/Levi. Malapit na malapit na ito sa sinasabing mga kapatid mismo ni Jesus!

"Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba Maria ang tawag sa ina niya? At ang mga kapatid niya ay sina Santiago, Joses, Simon, at Judas." – Mateo 13.55.

.

8. Tomas Didimos (ang Kambal) kilala rin bilang Tomas o Judas Tomas

Isa ring dalikang biyahero, namataan sa lahat ng dako mula Parthia hanggang Kerala sa timog India. Ang mga pagkakathang-isip na nangyari noong ika-4 na siglo ang nagbigay sa kambal na ito ng isang kambal ding kamartiran, ayon sa nababagay sa kanya: isang kamatayan sa Persia at isa sa India. At idagdag na rin na may libingan din siya sa Syria! Samantala, isang libingan pa, sa Mylapore, ang ipinakilala ng mga Portuges noong ika-16 siglo.

Sikat dahil sa kanyang “pagdududa”, nailungsad dahil kay Tomas ang sari-saring kabulaanan: ang Mga Gawa ni Tomas (nagtayo siya ng isang gusali para sa hari ng India, maniwala kayo), ang Apocalipsis ni Tomas, ang Ebanghelyo ni Tomas, at ang Ebanghelyo Niño ni Tomas.

Ngayon may duda pa ba kayo …?

 

9. Si Santiago na anak ni Alfeo (Santiago na Mababa – o si Santiago na Matuwid ba?)

Tagalang nagpakatodo na ang mga mangangathang-isip para sa mamang ito. Ipinatapon ng mga “eskriba at Pariseo” sa taas na 100 palampakan mula sa tuktok ng Tempo, nakuha pa rin niyang mabuhay para naman ngayon ay pagbabatuhin, matadtad ng mga palo-palo ang kanyang utak, at “malagare” ang kanyang katawan – at lahat ito sa edad na 90!

Siyempre, kung hindi nag-iisang tao ang Santiago na Mababa sa Santiago na kapatid ni Jesus (na siyang inakala ni Jerome at ng mga sumunod na Katoliko), lahat ng ito ay pawang nangyari kay Santiago na Matuwid, at ang naging kapalaran kung gayon ni Santiago na Mababa ay walang may alam.  

Marahil ang pagkalagare niya sa dalawang piraso ang nagbibigay ng kalituhan dito?

 

10. Judas/Tadeo/Lebeo/Dadeo

Kung hindi pinalupalo ay ipinako sa krus ang litong-litong mama na ito sa lungsod ng Edessa o sa Persia. Malinaw na nagdusa ng lubos ang kanyang mga tagahanga dahil magkatunog sila ng pangalan ni Judas.

 

11. Si Simon na Taga-Canaan/ang Zilota

Bago-bago na lang ang pagdating ng kathang-isip sa mamang ito. Nang dumating na, ang galing talaga! – isang pagkapako sa krus sa Persia at saka isang pagkapako sa krus libo-libong milya sa Britanya. Nagawa rin niyang mangaral sa Africa. Kaya mo yun?

 

12. Matias

Pinapunta naman ng pantasya ang mamang ito sa Syria, Cappadocia, sa dalampasigan ng Caspian at sa “Lungsod ng mga Kanibal” (Mga Gawa ni Andres at Matias). Kamatayan sa pamamagitang ng pagsisilab sa katawan. Gayon din, kamatayan sa pamamagitang ng pagbabato sa Jerusalem – at pagpugot ng ulo.
Sa totoo, tagakumpleto lang ng bilang na 12 ang papel nito – kung minsan ay napagkakamalan bilang si Mateo at kung minsan at sinisipa paalis upang ipuwesto si Pablo sa “labingdalawa”.

 

13. Si Judas, anak ni (or kapatid ni?) Santiago

Wala pa. Ikaw baka gusto mo?

 

14. Si Levi, anak ni Alfeo

Tingnan ang kanyang kataklob, si Mateo.

 

Si Marcos (Juan Marcos)

Kahit na tila hindi man lang napansin ni Clemente ng ALEXANDRIA (?153-215) o ni Origen ng ALEXANDRIA (182-251), ipinaabot ni Eusebius ng Caesaria (c.263-339) ang balita na naging “unang obispo” ng ALEXANDRIA si Marcos! Na nagdusa siya bilang martir noong “ikawalong taon ni Nero”. papatak na 61 AD ito. Lalabas na nauna pang namatay si Marcos kaysa kay Pedro mismo! – samantalang isusulat pa ni Marcos ang Ebanghelyo ni Marcos hango sa mga alaalang ibibigay sa kaniya ni Pedro.

“Kinaladkad hanggang mamatay”, o baka naman hindi. Ang kanyang mga buto – bueno, ang mga buto ng kung sinong tao – ang bigla na lang lumutang noong ika-9 siglo sa Venice.

 

Si Lucas

“Binigti sa puno ng olivo.” O di naman kaya, “nabuhay hanggang 84 taong gulang na binata.” Inaangkin ng Padua at ng Constantinopla ang mga bahagi ng kanyang bangkay.

 

Si Pablo

“Pinugulan ng ulo ni Nero.” Hindi gayon, pero ayon sa alamat ay nagpareho sila ng kapalaran ni Pedro, at namatay pa diumano sa parehong petsa. Lahat ng mga santong kalokohan na maaari mong hangarin ay naisulat bilang mga banal na kadramahan sa pagitan ng ika-2 at ika-4 na siglo, at mababasa sa Mga Gawa ni Pablo, ang Kamartiran ni Pablo, ang Mga Gawa Ni Pablo at Tecla.

 

 

Maraming kamatayan – paraan ng biblia para tiyaking magmukha talagang masama ang mga kontrabida

 

Ang apat na magkakaiba talagang kamatayan ni Haring Saulo:

1. Ayon kay Samuel (31.4), “kumuha si Saulo ng tabak, at dumapa sa tulis nito.”

2 Ayon kay Samuel (1.2-10), hiniling ni Saulo na mapatay siya ng isang Amalekita.

3 Nang lumaon pa, sa 2 Samuel (21.12), mababasa na si Saulo ay pinatay sa Gilboa ng mga Pilisteo.

4 Subalit, sa 1 Cronica (10.13-14), nalaman natin na si Saulo ay pinatay ng Dios!

 

Judas Escariote.

Oo na, kamukha na ito ni Judas, sige.

 

 

Ang maraming kamatayan ni Judas Escariote –

Kung totoo nga na hangad ng mga may kapangyarihan sa mga Judio, sampu ng kanilang mga alagad, na dakpin ang isang Jesus, diumano isang guro na pulupulutong ang napapasunod, hindi na kakailanganing umarkila ng isang malapit kay Jesus upang kilalanin ang sikat na pinuno. Hindi rin kapanipaniwala na “malaking pera” ang ibabayad sa isang halik sa pisngi ng mapupuksang mesias (Marcos 14.44). Ang mga sagisag dito ay nangangamoy pari kung paanong ang kuwento ay nangangamoy peke.

Ang maalamat na si “Judas” ay lalang ng mga Gentil/Griyego ng ika-2 siglo bilang pagtutuon sa damdaming anti-Judio at anti-Judaismo ng sinaunang Simbahan. Lumilitaw na ang salitang “Escariote” ay kinuha mula sa pangalan ng isang rebeldeng hukbo na tinatawag na Sicarii, na binubuo ng mga berdugong Judio armado ng sicae (isang maliit na punyal). Karamihan sa kanila ay naubos bago sumiklab ang unang digmaang pang-Judio.

Noong isulat ni Ignacio ang kanyang mga liham noong 115, wala siyang binanggit na Judas Escariote, at wala rin siyang sinabi na mga ‘alagad’ (si Pablo at Pedro ay tinawag na ‘apostoles’ pero sa kahulugang misyunero lang, tulad niya.)

Alang-alang sa teyolohiya, kailangan na ipakita na ipinagkanulo siya ng isang “Judas”, ng isang “Judah”, ng mga “Judio” upang sa gayon, katawan at kaluluwa, mailipat mula sa mga Judio papunta sa mga Gentil ang pagmamay-ari sa banal na tagapagligtas.

Sa pagdispatsya kay Judas, ang walang kalaban-labang tagapagkanulo ng Panginoon (sapagkat ano ang magagawa niya, sinapian siya ni Satanas – Lucas 22.3), natangay na ng kanilang imahinasyon ang mga tagapagsulat Cristiano. Sinimulan ni Papias noong mga 130 ang pag-ikot ng bola.

 

Judas, ang Sangkalan

Unang bahagi ng ika-2 siglo

“Nagpalibot-libot sa daigdig ni Judas na isang malungkot na halimbawa ng kasamaan; ang kanyang katawan sa paglobo nito ay hindi na makadaan kung saan malayang nakadaraan ang mga karo, kaya sinagasaan siya ng karo, at ang kanyang mga lamang-loob ay sumambulat.”

Papias, “Paglalahad sa mga Salita ng Panginoon”, Aklat II.

2 kuwentong-barbero na lumusot sa pinal na edisyon ng biblia:

Mateo 27:5

“At binalibag niya ang mga putol ng pilak sa templo, at umalis, at yumaon upang magbigti.”

Gawa 1:18

“Bumili ang lalaking ito ng bukid gamit ang mga bayad sa kanyang kabuhungan; at sa pagkahulog niyang patiwarik, pumutok ang kanyang tiyan, at ang kanyang mga lamang-loob ay sumambulat.”

Mga dagdag noong ika-4 na siglo:

 

“Isang nakagigimbal na halimbawa si Judas ng kawalang-dios sa mundo ... Sapagkat sabi nila na di masilayan ng kanyang mga mata ang liwanag dahil sa pamamaga ng mga talukap, at hindi makita ang kanyang mga mata … at pag siya ay umiihi lumalabas ang nana at mga uod mula sa bawat bahagi ng kanyang katawan, sa kanyang kahihiyan.

Pagkatapos ng maraming hirap at parusa, sabi nila, ay namatay siya sa wakas sa kanyang sariling dako, at dahil sa masangsang na amoy ay nilisan ang lugar at di-matirhan hanggang ngayon. Sa katunayan, hanggang sa araw na ito ay walang makadaan sa dakong iyon malibang takpan ang ilong. Napakaraming nagnanaknak sa kanyang katawan na sa ngayon ay kumalat na sa lupa.”

Papias, “Paglalahad sa mga Salita ng Panginoon”, habang sinisitas ni Apollinaris ng Laodicea, isang paring Cristiano at mangunguwento.

 

 

Ang 12 ay naging 7 – kung baga

Sa Mga Gawa ng mga Apostol, nagpalabunutan ang labing-isang apostol upang palitan si Judas Escariote, habang naghihintay sa kapangyarihan ng Espiritu Santo ayon sa utos ng nabuhay na si Jesus. Pinili nila si Matias sa halip na si Justo Barsabas, at sa ganitong paraan ay binuo ulit ang docena majica. Ang pananalitang ginamit ng Gawa ay nakakamangha: “isa sa atin ay kailangang italaga upang maging saksi ng pagkabuhay na muli kasama natin.” Sa puntong ito ay may lakip pang banal o mahiwagang kahulugan ang bilang na “labingdalawa”.

Ngunit pagkatapos ng isang yugto ng panahon na pinangunahan ni Pedro (nangasiwa sa Pentecostes, sa mga unang milagro, nadakip ng ulit-ulit, etc.), umabot na sa hangganan ang importansya ng “Labingdalawa”. Ang palusot ay ayaw ng mga apostol ang maglingkod sa mga hapag-kainan (walang biro, Gawa 6.2) o mangasiwa sa mga “balong Griyego” – nais lang nila na ituloy ang pananalangin at pagmiministro. Iniutos nila na pitong lalaki, puspos ng Espiritu Santo, ang ipuwesto sa mas karaniwang gawain na pangangalaga.

Ang nakapagdududa na “totoo” nga ang kuwentong ito ay ang pagkawala ng orihinal na mga (Judiong) alagad magmula sa puntong ito. Sa halip, ang mga bagong mga Gentil na bida, na itinakda para mangalaga lamang sa mga nangangailangan ng lingap, ang namayagpag na sa entablado.

Pangunahin dito si Esteban, na nagbigay ng isang higanteng talumpati at ginawang unang martir, na sinundan naman ni Felipe (huwag pagkamalian sa alagad na may ganito ring pangalan) na gumawa ng mga kababalaghan sa Samaria samantalang katunggali si Simon Mago. Nahikayat ni Felipe ang ingat-yaman ng Ethiopia at nagawa pang “maglaho” mula Gaza upang lumitaw muli sa Azotus (Ashdod) dalawampu’t limang milya ang layo, salamat sa Espiritu Santo (8.39)! Kapansin-pansin na hindi yata maraming oras ang inaksaya nito sa paglilingkod sa mga hapag-kainan. Mga dalawampung taon pa ang lilipas, si Felipe ay nasa Caesaria kung saan, bilang ama ng apat na birheng manghuhula, ay tinanggap niya sa bahay si Pablo.

Ang iba pang mga Griyego – sina Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas at Nicolas – ay hindi na binanggit pa muli. Tulad ng ibang pinangalanang apostol, tinukoy lamang sila para kumpletuhin ang bilang na pito. Sa yugtong ito ay abala na ang Gawa sa pagsasalaysay ng kuwentong-barbero tungkol sa mga gawain ni Pablo. Hinggil sa mga orihinal na pinili ni Jesus – mga “mamamalakaya ng mga tao” – na itinakda upang dalhin ang magandang balita sa “mga kaduluduluhang bahagi ng mundo” – basta na lang sila naglaho sa limot.

 

Iglesia ng Mga Anino

Pagkatapos ng “kamatayan” ng mga Apostol, naubusan bigla ang simbahan ng mga misyunerong maaari nilang ibida (maliban sa maligamgam sa pagturan kay Ignacio.) Sa halip, ang agwat na mahigit dalawangdaang taon ay pipuno ng mga personaheng walang mukha at walang pangalan, mga di-kilalang anino sa simbahan. Diumano, sila ang mga martir at huwaran ng simbahan, ang mga “pinahirapang Cristiano” – isang palsong imbensiyon na saka na lamang nilikha ng isang matagumpay nang Simbahan para sa kanyang sariling kaluwalhatian, tapos pinalawig ng mga nilalagnat na utak ng mga taong-simbahan noong Gitnang Panahon, at pinagpapatuloy hanggang ngayon ng mga pelikula ng Hollywood.

   

 

Lulutuin ng mga propagandista ang isang maguniguning kuwento kung saan  diumano ang ‘dugo ng mga martir ang naging binhi ng iglesia’. Isasalaysay ang kunwari ay isang tuloy-tuloy na takbo ng pangyayari kung saan una sa lihim at pagkatapos sa lantaran ay hinarap ng mga matatapang, banal, mapagpakumbaba at magigiting na mga alipin ni Cristo ang mga mababangis na leon at mga mababagsik na emperador. Sa kanilang pagtitis sa dusa na may banal na ngiti sa mukha, ang mga tagapagpasimula ng Cristianismo na ito – ayon sa tabko ng kuwento – ay natamo ang paggalang at pagkatapos ay ang paganong puso ng isang maitim at malupit na daigdig.

 

Sino ang Umapi Kanino?

Sa loob ng tatlong siglo, mabibilang sa daliri ang mga Cristianong “martir” mula sa iba’t ibang dako. Ang kanilang bilang, sa halip na patotohanan ang isang diumano’y malawakan at pirmihang panliligalig sa mga unang Cristiano, ay hindi hihigit sa inaasahan lamang na natural na magkakaroon sa isang kapatirang may bilang na ilang dosenang libo noong panahon ni Constantine, at binubuo pa man din ng mga pusakal at mga minorya ng lipunan.


Pag-Uusig – Isang Magiting na Simula Imbento ng Inang Simbahan


Ang malawakang pag-uusig sa mga Cristiano ay nangyari lamang simula nang ibaling ng Imperyo Cristiano ang kanyang bangis sa mga erehe.

Mahigit na isang libong taon nanatili ang Imperyo ng Roma at sa loob ng labingdalawa lamang sa mga taon na yaon inusig nila ang mga Cristiano. Ang ‘Imperyo Cristiano’ ay nanatili rin ng mahigit isang libong taon ngunit inusig nito ang mga Cristiano sa loob ng bawat isa sa mga taon na iyon.

 

 

Related articles
 
  Circus! Circus! – 'Apologetics' – Fundamentally Flawed
 
  "Saint Peter" – Linking Rome back to the Godman
 
  Constantine – Pagan Thug Makes Christian Emperor
 
  Winter of the World – The Terrible Cost of "Christendom"
 
  Heart of Darkness – The Criminal History of the Christian Church
Home
MAJOR SECTIONS
Still holding to the idea that some sort of holy man lies behind the legend? Better check out...
Godman – Gestation of a Superhero

A closer look at the glib assertion that the Jesus story "got off the ground quickly and spread rapidly."
What DID the Early Christians Believe?


Many currents fed the Jesus myth, like streams and tributaries joining to form a major river.
Sourcing the legend – The Syncretic Heritage of Christianity


Much of the mythology of Christianity is a rehash of an older and even more transparent fabrication – Judaism.
Jew Story – The Way of the Rabbi


Human ingenuity and cunning is matched by mankind's equally monumental credulity and wishful thinking.
Christianity's Fabrication Factory


Church organisation, authority and membership preceded rather than followed the justifying doctrine. As the organisation and its needs changed so has the ‘Testament of God’ adapted accordingly.
Dogma – The Word in all its Savage Glory

From religious policeman to grandee of the church, from beast fighter in Ephesus to beheading in Rome, Paul's story has more holes than a swiss cheese.
 
St Paul the Apostle Dead in the water?


Orchestrated by ambitious Christian clerics, a cancer of superstition, fear and brutality was imposed across Europe.
Heart of Darkness – The Criminal History of the Christian Church


The Christian Heaven may have been a vain folly but the Christian Hell has been real enough.
Hell on Earth – A Brutal Superstition Spreads Across the World


Raised to the status of State religion the Christian Church reigned over the destruction of civilization. As the centuries passed religious barbarism grew ever more vicious.
Winter of the World – The Terrible Cost of "Christendom"

For two millennia Christianity's anti-sexual, puritanical doctrines have inflicted untold damage on the mental, emotional and physical lives of countless millions of people.
Those SEXUALLY hung-up Christians Loved-up for Jesus


With a Jewish father (stern patriarch) and a Christian mother (obsession with guilt and heaven) it is not surprising that Islam grew up a bit of a tartar.
Islam's Desert Storm – 'Christendom' Reaps a Whirlwind

Heaven help us. The richest, most powerful nation in history has a psychotic infatuation with Jay-a-sus the Lawd!
The Christianizing of the Americas
 

 

Enlighten a friend e-mail this page

 

Copyright © 2009 by Kenneth Humphreys.
Copying is freely permitted, provided credit is given to the author and no material herein is sold for profit.