Nazareth –

Bayang Nakasalig Sa Kukote ng mga Teyologo

Mga Aklat-Pinagkuhanan:
René Salm, The Myth of Nazareth (Kevalin, 2007)
Paul Johnson, A History of the Jews (Phoenix Grant, 1987)
Dan Cohn-Sherbok, The Crucified Jew (Harper Collins,1992)
Henry Hart Milman, The History of the Jews (Everyman, 1939)
Josephus, The Jewish War (Penguin, 1959)
Leslie Houlden (Ed.), Judaism & Christianity (Routledge, 1988
Karen Armstrong, A History of Jerusalem (Harper Collins, 1999)
Jonathan N. Tubb, Canaanites (British Museum Press, 1998)
Norman Cantor, The Sacred Chain - A History of the Jews (Harper Collins, 1994)


Sulatan ang may-akda –
Kenneth Humphreys
Site Search: search tips    site map
21.01.09

Ang sulating ito at mahigit limampung iba pa ay makukuha rin bilang isang aklat. Bilhin ang iyong sipi dito.
 

 

Magandang Hanapbuhay

“Ang Nazareth ay maraming mga kamanghamanghang tanawin … Kayang ilunan ng aming mga pasilidad kapwa ang mga panauhin at mga dadalo ng mga pulong … isang pambihirang puntahan para sa mga bisita mula saanmang panig ng daigdig …”

– Punong-Bayan ng Lungsod ng Nazareth

 

 
 
 
 
 
Ang 1955/68 Paghuhukay sa Nazareth – ilang mga balon na imbakan at mga ilawang langis pang yungib – sapat na para sa mga arkeyologong Fransiscano na ibandila ang Nazareth bilang ‘nayon ni Jesus, Maria at Jose’ at dako ng ‘walang-patid na pagpipitagan’ ng mga Cristiano.
 
 
 
 
 
 
 

Ang Talaan ng Arkeholohiya:

Gitna hanggang Pawakas na Tiempo Roca (o Stone Age)

13 kalansay ng tao at maraming mga antigo ang nahukay sa isang yungib sa Bundok ng Bangin (Mount of Precipice).

 

Gitnang Tiempo Mata (o Bronze Age: 2000-1200 BC)

Mga tira-tirang palayok mula sa tatlong libingan.
Walang mga kagamitang hindi panglibingan.

 

Tiempo Plancha (o Iron Age: 1200-586 BC)

-- Ilan sa mga mas kakaunting nahukay mula sa panahong ito ay maaaring kagamitang pang libingan, ngunit ang iba ay hindi. Galing ang mga ito sa mga yungib na nakapaligid sa simbahang tinatawag na Simbahan ng Pagpapakita (o Church of the Annunciation).

Ang mga ito ay nahanap sa mga sari-saring ‘silos’ (mga butas sa lupa) at sa ‘iba pang mga dako’ na malapit (hindi pinartikular). Kabilang sa mga nasabing labi ay limang paso, at gayun din naman mga banga at palayok (karamiha’y pirapiraso).

 


Panahon ng Babilonya at Persya (586-332 BC)

– Walang mga nahanap.


Panahong Griyego at Hasmoneano (332-37 BC

– Walang mga nahanap.

Panahong Romano I (Mga Herod: 37 BC – 70 AD)

Posibleng kabilang sa mga tira-tirang labi mula sa panahong ito ay 6-10 na mga ilawan. (Ngunit maaaring mula pa ang mga ito sa mas malapit na petsang 150 AD)

Sa mga ito, 4 ay galing sa Libingan 70 (malapit sa Simbahang ng Pagpapakita), ang 2 ay natagpuan sa ilalim ng ‘groto’ ng simbahan, at ang 4 ay galing sa mga malalapit na lugar.

Lahat ay galing sa mga libingan – pareho sa mga pinanggalingan ng pinakahigit na marami sa mga ilawang langis na natagpuan pang buo mula sa panahong ito sa buong kabilugan ng Palestina.

 


Panahong Romano II (70-180 AD)

4 na ilawan mula sa dalawang libingan (Libingan 70, at sa isang libingan 250 metro sa timog ng Simbahan ng Pagpapakita).

 

Panahong Romano III (180-324 AD)

Pitong ilawang langis mula ulit sa dawalang nasabing libingan sa itaas.  

Mula sa isang gusali galing sa pawakas na bahagi ng panahong Romano na ito, ilang mga pinalitadang bato, mga tira-tirang labi ng isang sahig na nilatagan ng mosaico, at isang salaping bakal ng Roma na galing ika-4 na siglo.

Mga palayok at iba pang mga ‘mapaglilipat-lipat’ na ebidensya (mga baso, atbp.) – ang kalakhan na makikita mula sa ika-3 at ika-4 na siglo AD, at ilan na mula ika-2 na siglo AD.

Ang 7 ilawan ay galing lahat sa pareho at nag-iisa libingan (ang Libingan 70).

Hindi ito kalat sa isang malawak at magkakaibang dako na tulad sana ng maaasahan sa isang ‘nayon’

Ni hindi rin sila mga kagamitang pambahay noong panahong ilapag ang mga ito sa dakong kanilang pinaghanapan – kundi mga ilawang gamit sa mga madidilim na libingang yungib.

 

Mga Natagpuang Salapi …

"Ilang mga salaping bakal ng mga Judio, o kahit papaano ay mga barya na may mga titik ng Matandang Hebreo, na sa kalakhan ay nabubura na …"


– G. Schumacher (1889 Palestine Exploration Fund, Quarterly Statement)

 

 

 

 

 

 

 


Mga Taong-Yungib?

“Sa Groto Blg. 25: sa kinalalagyan ng simbahang medyibal ay matatagpuan natin ang isang hagdanan na inukit sa bato, tulad ng nasa harapan ng Palabigasan Blg. 48, at isang bungad ng pintuan na may nakatayo pang hamba sa gawing kanluran samantalang bagsak na ang kabila …”

– Padre Bagatti

Ang mga tirahang yungib na natuklasan sa ‘nayon’ ay maaaring ginamit ng mga iskuwater nitong lumaon na lamang.

 

 

 

 

 

 

 

“Ang Kautusan ng Nazareth”

Ordinansa ng isang di-pinangalanang Caesar ang nagbababala ng paglilitis at parusang kamatayan dahil sa paglapastangan sa mga libingan (nasa Louvre).

Walang may alam sa pinanggalingan ng tablang bato (ito at ipinadala mula sa Nazareth noong 1878 ngunit maaaring natagpuan sa kung saan-saan) at naglalaman ng mga kautusang pangkaraniwan lamang para sa panahong ito ng mga emperador.

Walang kaugnayan ang tablang bato sa Cristianismo, at lalo namang wala sa taong-dios – kahit pa pinipilit ng ibang mga tagapagtanggol ng relihiyon na pinatotohanan diumano nito ang Pagkabuhay na Muli!

 

 

 

 

 

 

 

Alang-alang sa mga Turista Tinuran ng mga Taong-bayan ang Isang Himala

“Sa Nazareth ay inareglo pa nga ng pamayanang Judio ang isang tanyag na milagro ng upuang-bangko para sa mga mapaniwalaing Cristiano na dumadalaw.

Ang mga pumapasyal sa Nazareth, ayon sa ulat ng nagdedebotong si Piacenza, ay pinapakitaan ng aklat na pinagsulatan diumano ni Cristo ng kanyang alpabeto, at ang upuang-bangko kung saan nakagawian niyang umupo kasama ang mga musmos.

Umaarte ang mga Judiong taga-roon na kunwari ay hindi nila maiangat ang bangko, samantalang ang mga Cristiano, sa animo’y milagro, ay naililipat-lipat nila ito ng walang kahirap-hirap.”

– R. Gordon, Holy Land, Holy City [Lupang Banal, Bayang Banal),] p 93.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Teyolohiya Muna …

"Kagulat-gulat, at halos kahiyahiya, ang kilalanin na ang mga pinakaunang mga pangungusap tungkol kay Jesus ay nasa anyo ng paniniwala sa halip na nasa anyo ng kasaysayan ayon sa naiinitidihan natin ngayon … nangingibabaw ang teyolohiya sa kasaysayan pagdating sa kuwento ng Cristianismo."

– J. L. Houlden (Jesus - A Question of Identity [Si Jesus – Ang Usapin Tungkol sa Pagkakakilanlan] , p11)

 

Ang Nawawalang Lungsod

Sinasabi ng mga Ebanghelyo na ang tinubuang bayan ni Jesus ay ang “Lungsod ng Nazareth” (‘polis Natzoree’):

At sa ika-anim na buwan nga, isinugo ang anghel Gabriel mula sa Dios patungo sa Lungsod ng Galilea, na tinawatag na Nazareth, sa isang dalaga na katipan ng isang lalaki na nagngangalang Jose, mula sa sambahayan ni David; at ang pangalan ng dalaga ay Maria. (Lucas 1.26,27).

At naparoon ang lahat upang mabuwisan, bawat isa sa kanyang sariling lungsod. At si Jose rin ay nagtungo mula Galilea, mula sa Lungsod ng Nazareth, patungo sa Judea, sa lungsod ni David na tinatawag na Bethlehem; sapagkat siya ay sa sambahayan at angkan ni David: (Lucas 2.3,4)

Ngunit nang marinig niya na si Archeleo ang naghahari sa Judea sa lugar ng kanyang amang si Herodes, natakot siya na magtungo roon; kung gayun, dahil binabalaan ng Dios sa panaginip, ay bumaling siya sa mga bahagi ng Galilea. At nakaabot siya at nanirahan sa lungsod na tinatawag na Nazareth: upang matupad ang sinabi ng mga propeta, Siya ay tatawaging isang Nazareno. (Mateo 2.22,23)

At nang matupad na nila ang lahat ayon sa kautusan ng Panginoon, bumalik nga sila sa Galilea, sa kanilang sariling lungsod na Nazareth. At lumaki ang bata, nagtumibay ang espiritu, napuspos ng karunungan: at ang biyaya ng Dios ay nasa kanya. (Lucas 2.39,40)


Walang maraming sinasabi ang mga ebanghelyo tungkol sa ‘lungsod’ na ito – mayroon siyang sinagoga, kaya nitong paningasin ang galit ng masa (napilitan tuloy sabihin ni Jesus ang sikat na salawikain ‘hindi tanggap ang propeta sa kanyang sariling bayan’), at mayroon itong bangin. Ngunit ang katayuan ng Nazareth bilang isang LUNGSOD ay nakabanderang maliwanag – yan ay ayon sa bukal ng kalokohan na tinatawag na Biblia.

Subalit, kung hihilingin nating patotohanan ng kasaysayan ang tinubuang bayan ng isang nasabing dios pa naman – katigla-gitla! – walang ibang batayan ang makapagpapatunay na umiral man lamang ang dakong ito noong unang siglo AD.

Kahit minsan ay hindi man lamang binanggit ang Nazareth sa buong Matandang Tipan. Sa aklat ng Josue (19.10,16), kung saan inilalahad ang pagsakop ng mga angkan ng Zebulon sa lupain, ay naiulat ang labingdalawang bayan at anim na nayon, datapuwat sa listahang ito ay walang kabilang na ‘Nazareth’.

• Ang Talmud, kahit pa pinapangalanan nito ang 63 na bayan sa Galilea, ay walang kamuwang-muwang tungkol sa Nazareth, at ganito rin ang kaso ng mga sinaunang panitikang kasulatan ng mga rabi.

Walang alam si San Pablo tungkol sa ‘Nazareth’. Sa kanyang mga sulat (kapwa sa totoo at huwad) ay binabanggit si Jesus nang 221 ulit, ang Nazareth wala.

Wala ni isang historyador o heyograpo ang tumukoy sa Nazareth. Unang-unang maiuulat pa lamang ito pagdating ng ika-4 na siglo.

‘Hindi ko pa narinig yang lugar na yan’ – Josephus 

 

Sa kanyang mga ulat-kasaysayan, saganang-sagana ang sinasabi ni Jospehus tungkol sa Galilea (isang lupain na hindi man aabot sa 900 kuwadro milya). Noong unang digmaang pang-Judio mga petsa 60 AD, pinangunahan ni Josephus ang kampanya militar sa paroo’t parito ng maliit na lalawigan. 45 ang binanggit niyang mga lungsod at nayon ng Galilea – ngunit walang Nazareth.

Ngunit may sinasabi siya tungkol sa Japha (Yafa o Japhia), isang nayon na may isang milya lang ang layo sa timog-kanluran ng Nazareth. Sa Japha ay tumira siya ng sandaling panahon.

Kung titingnan ang mapa tupograpika ng rehiyon ay mapapansing nasa dulo ng isang lambak ang Nazareth. Napapalibutan ito sa tatlong sulok ng mga burol. Sa timog-kanluran lang ang natural na daan papasok sa lambak na ito.

Bago pa ang unang digamaang pang-Judio, may kalakihan na ang Japha. Alam natin na may matandang sinagoga ito na winasak ng mga Romano noong 67 AD (Revue Biblique 1921, 434f). Sa digmaang ito ay nilipol ang mga mamamayan (Digmaan 3, 7.31). Naiulat ni Josephus ang 15,000 na pinatay ng hukbo ni Trajan, at ang pagtangay sa mga natitirang buhay na 2,130 mga babae at mga bata. Lubos at tahasang binura ang minsan ay isang masiglang lungsod.

Ngayon, noong unang siglo, saan ililibing ng Japha ang kanyang mga patay? Sa mga libingang-yungib sa gawing looban pa ng lambak! Kung saan naroon ngayon ang Nazareth!

Sa lubos na pagkasira ng Japha, tumigil ang paggamit sa mga libingan. Sa ilalim lamang ng modernong lungsod ng Nazareth ay nakalatag ang di-kilalang lungsod ng mga patay.

Nang lumaon pa – tulad ng isinasaad ng mga palayok at iba pang mga nahuhukay na tira-tirang labi (tingnan sa ibaba) – pinamayanan ulit ang Nazareth. Ito’y pagkatapos na ng paghiihimagsik ni Bar Kochba noong 135 AD at nang magsitakas ang mga taga Judea patungong Galiliea. Ang bagong baryo ay umaasa sa isang kahig isang tukang pagsasaka, at wala silang kinalaman sa mga libingang ginagamit doon noon ng mga residente ng Japha.

 


Lahat sana ito ay maaari nang palampasin kung mayroon lamang mga guho ang lungsod na maaaring nating pasyalan katulad ng nasa malapit na ‘paganong’ bayan ng Sepphoris, sampu ng mga paliguan nito, mga bahay, mga teatro, atbp., na mula pa noong unang siglo. Ngunit walang ganitong mga guho ang Nazareth. 


Ito na ba ang Nazareth? Hindi, kundi ang Sepphoris, na 45-minutong lakad ang layo. Ni hindi man lang ito binanggit sa mga ebanghelyo!

Agad-agad, ikakatuwiran ng mga tagapagtanggol ng Cristianismo na “Siyempre, wala talagang makakarinig sa Nazareth kasi NAPAKALIIT na lugar nito.’ Tila papaliit nang papaliit, ang LUNGSOD ay naging BAYAN, ang bayan ay naging NAYON, at ang nayon ay magiging isang MALAYONG BARYO.

Ngunit kung isang malayong baryo na ang pinag-uusapan, babagsak ang kuwento ng ‘Jesus na Taga-Nazareth’.

Halimbawa, kung ipagkakaila na ngayon ang bersiyon ng kuwento tungkol sa isang ‘tinubuang bayan’, kakailanganin pa rin ng kahit isang sinagoga kung saan diumano ay papasok si Jesus upang ‘mamusong’. Nasaan ang sinagoga sa tahimik at maliit na baryong ito? Bakit hindi yata ito natunton ng mga unang namanata doon tulad ni Reyna Elena (tingnan sa ibaba). Mas matinding drama sana ang dulot nito sa kanyang bayani kaysa sa isang payak na balon na siyang naiulat na tanging-tangi na natagpuan niya doon.

Kung lumaki at ginugol ang 30 taon ng kanyang buhay sa isang kanayunan na sabihin na ay may 25 pamilya – isang angkan na may 300 katao na naglalahian sa isa’t isa – ang ‘masa’ ng mga tao na halos magtapon sa kanya sa bangin ay pawang mga kamag-anak niya at kaibigan sa halip na mga nagngangalit na estranghero. Ang mga taong nahindik sa kanyang pamumusong ay mga kababata rin niya, kabilang na ang sarili niyang mga kapatid. Huwag sabihin na ngayon lang nila narinig ang mga dapat sana ay dekada na nilang naririnig paulit-ulit sa kanya.

Dagdag pa rito, kung totoo nga na tinanggap ng isang birhen sa dakong ito ang anunsiyo ng anghel tungkol sa panganganak niya sa mesias, siguradong nasagap sana ng buong angkan ang balita sa loob lang ng sampung minuto. At kung nakalimutan na nila iyon, siguro naman ay maaalala pa nila yung ‘insidente sa Jerusalem’ kung saan ay pinruklama sa temnplo ng dose anyos ang pagiging anak niya ng Dios?

Siya nga ba, na wala man lang sa kanila ang bumanggit sa nangyari sa Bethlehem – yung bituin, yung mga mago, yung mga pastol, yung mga pinatay na mga sanggol? Bakit nila ikakagalit ang anomang sasabihin o gagawin ng taong-dios? Nakakalimutan ba nila na isang dios ang naninirahan sa gitna nila? At ano na ang nangyari sa gintong alay sa kanya – hindi ba ito ikinayaman ng ‘sagrada familia’?

Kung ang Nazareth ay isa lamang katamtamang baryo, na nakakubli sa mga burol ng Galilea, hindi ba niyayaya ng pamagat na ‘Jesus na taga-Nazareth’ ang sagot na, ‘Jesus na Taga-SAAN?

Isa pa, kung ang Nazareth ay isang katamtamang baryo, ang pinakamalapit na bundok na maaaring pagtapunan sa kanya – na may bangin – ay apat na kilometro ang layo. Para akyatin ito kailangan ng tibay at lakas sa pagsuong sa mga bato-batong landas. Talaga bang nagpabuhat muna si Jesus na ayos-palaka sa galit na galit na pulutong ng mga tao nang ganoon kalayo bago siya ‘dumaan sa gitna nila’ upang tumakas?

Natural, lahat ng mga salungatang ito, kasama ang ‘insidente sa Jerusalem’ at ang kung ano-ano pang mga kalokohan tungkol sa kanyang pagkabata, ay pumasok na lamang bilang dagdag sa kuwento nang lumaon ang panahon, noong matagal nang buo ng alamat ng mesias.

Sa ibabaw ng lahat ng ito, nagkaroon nga ba talaga ng maliit na nayon?

 

Patotoo ng arkeyolohiya nga ba?

Napakapalad ng mundo natin na ang mga paghuhukay sa dako ng Nazareth ay ginawa ng mga Katolikong arkeyologo. Kung napaaga-aga pa ng ilang daang taon, sigurado may mapalalabas silang “nahukay” doon na mga sandalyas na may nakaukit na mga salitang ‘pag-aaring personal ni Jesucristo’. Buti na lang hindi na ito panahong ng karimlan. Sa totoong pangyayari, masipag na pinipiga ng mga nasabing arkeyologo sa katiting na katiting na mga nahahanap doon lahat na maaari nilang pigaing ‘interpretasyon’ sa mga ordinaryong mga bagay-bagay, at ipinipilit ikonekta sa istorya ni Jesus. Ngunit gaano man sila kamalikhain, hindi maitatago ng mga Fransiscano na ang kawalan ng ebidensiya para sa isang nayong matanda pa kay Jesus na umiral sa dakong yaon ay lubos-lubos.

Hindi dahil sa ang mga Fransiscano ay gahol sa panahon upang mahanap ang kanilang hinahanap. Nasa Palestina na sila sa loob ng ilang daangtaon ngayon, mga opisyal na tagapangalaga ng ‘Lupang Banal’ ayon sa basbas ng ‘Gratias Agimus’ at ‘Nuper Charissimae’, kapwa mga ordinansa ng Papa Clemente VI noong 1342.

Noong digmaang pang-Crusada, nagpapalit-palit kamay ang Nazareth ng maraming ulit. Sa isang punto (1099), nagtatag doon ng isang ‘prinsipalidad ng Galilea’ ang Normano-Sicilianong si Tancred, atang Nazareth ang kanyang kabisera. Ulit-ulit pang mapatatalsik ang mga Cristiano, hanggang sa wakas, noong 1263, ay ganap na winasak ni Sultan Baibars ang Nazareth. Naiwang nakatiwangwang ang buong rehiyon sa loob ng 400 taon.

Nakabalik na lamang ang mga Fransiscano sa lugar nang makipagkasunduan sila kay Fakhr ad-Din II, ang emir ng Lebanon, noong 1620. Pinamugaran ulit nila ang natira sa kuta ng mga crusador, ngunit natagpuan ang ‘balon ni Maria’ na nasa kamay ng mga Griyegong pari. Dahil umaagos ang salapi sa kanila, nang lumaon ay nakuha nila ang pamamahala sa buong bayan at itinayo noong 1730 ang isang simbahan sa ibabaw ng Groto. Ang pagtastas na muli sa gusaing ito noong 1955 ang nagbigay daan upang mapasok ito ng mga ‘dalubhasang” arkeyologo at ‘matuklasan’ ang Nazareth ng Biblia sa pinaka lupang kinatitirikan ng simbahan mismo!

 

Bayaning Cristiano Blg. 1. Mula 1955 hanggang 1960,  magsasagawa ng paghuhukay si Padre Bellarmino Bagatti (Propesor, Studium Biblicum Franciscanum sa Flagellation, Jerusalem). Sa ilalim ng kanyang sariling simbahan at mga karatig lupa, natuklasan ni Bagatti ang ilang mga yungib at butas. Ilan sa mga yungib ay malinaw na nagamit na ng madalas sa loob ng ilang siglo. Ang karamihan ay mga lagakan ng bangkay, marami mula pa sa Tiempo Mata (Bronze Age). Ang iba sa mga butas ay ginamit bilang mga ipunan ng tubig, o kaya’y mga imbakan ng langis o butil. Marami ang katunayan na ang Nazareth ay ‘muling itinatag’ noong panahong Hasmenean pagkatapos ng mahabang yugto na nakatiwangwang lang ang dako. Ang hindi maipagkakaila, lahat ng mga katunayang nahahanap at maaari pang mahanap ng arkeyolohiya na may petsang mula ika-2 siglo pasulong ay pawang may kaugnayan sa paglilibing ng patay. Kahit wala siyang maipakitang sapat na patotoo na tinirhan ang lugar sa panahong ito, nasikmura pa rin ni Bagatti na ianunsiyo na ang Nazareth nang unang siglo ay ‘isang maliit na sakahang-nayon na pinamamayanan ng ilang dosenang pamilya.’

Armado lang ng lumobo nilang pananampalataya, idineklara ng mga relihiyosong tagahukay na ang natagpuan nila ay walang iba kundi ang mismong ‘nayon ni Jesus, Maria, at Jose’ – kahit na hindi isang bayan ang natagpuan nila, at lalo namang hindi ebidensiya ng kung sinong partikular na tao. Manapa, ang mga nahuhukay ay pawang may kinalaman sa panakanakang pagtatanim ng mga gulay-gulay malapit sa isang matandang sementeryo, hindi ng malaking okupasyon ng mga residente ng isang nayon.

At napakaswerte naman yata ng Simbahang Katoliko na ang ilang kadudadudang sulat-kamat sa mga pader ay nagpapahiwatig diumano na ang isang dambana doon ay nakaukol, wala nang iba, kay Aba Ginoong Maria!

Ngunit isang bagay ang hindi mapasusubalian: ito ay ang pagkasuklam ng mga Judio para sa mga patay, na tinuturing nilang ‘marumi’. Batay sa kanilang kaugalian, tiyak natin na ang mga Judio ay hinding-hindi magtatayo ng nayon na nakaratig ng isang libingan, o ilulugar ang isang libingan malapit sa nayon.

"Ang mga libingang yungib, kapwa yaong mga natuklasan ni Bagatti at ang mga kilala na mula sa mga mas maaagang paghahanap, ay ipupuwesto sa labas ng nayon at para sa atin ay magsisilbing palatandaan kung nasaan ang hangganan ng nayon. Pag titingnan ang kanilang mga kinaroroonan batay sa mga mapang iginuhit ni Bagatti (1.28) o ni Finegan (27), maiisip ninoman na maliit na maliit talaga ng nayon ..."

–J.D. Crossan (The Historical Jesus) [Ang Historikal na Jesus]

 

Ngunit gaano ba dapat kaliit ang lugar para tigilan na ang pagtukoy dito bilang ‘nayon’? Ang pagkakaroon ng mga libingang inuka sa mga bato na napakalapit sa sinasabing ‘groto’ ay katunayan na, noong unang siglo, sa dakong iyon, walang naging nayon. Kahit pa ito’y ginamit nga sa ibang paraan, ang lugar ay hindi naging tirahan ng mga Judio.

 

Christian Hero No 2. Mula 1996 hanggang 1997, naghuhukay si Dr. Stephen Pfann (Franciscan School of Theology) sa Nazareth. Noong Nobyembre 1996, ang kawaning ito ng Center for the Study of Early Chrsitianity ay nagpasimula ng pagsusuri ng mga pananimang terasa, o bahabahagdan, na nasa bakuran ng Nazareth Hospital. Natuklasan ni Pfann at ng kanyang mga kasama ang isang pigaan ng ubas na malabo ang petsang pinanggalingan. Sinasabi lang na ‘antigo’ ito. Nahanap din ang mga piraso ng palayok sa mababaw na bahagi ng mga terasa, galing sa magkakaibang mga petsa, ‘magmula maaga hanggang pawakas na bahagi ng panahong Romano’.

Isang pagsusuring arkeyolohiko sa mababaw na bahagi ng lupain malapit sa Nazareth Hospital ang isinagawa ni Pfann at ng kanyang grupo, lahat sila galing ng Center for the Study of Early Christianity, mula Pebrero hanggang Mayo 1997. Dalawang malinaw na bagahi ang nakilala ayon sa uri ng pagkakagawa ng mga terasa na makikita sa lugar.  

Tulad ng maaasahan na isang Cristianong atat, mabilis na sinabi ni Pfann na ‘ang Nazareth ay maliit, mga dalawa o tatlong angkan nakatira sa 35 na bahay na nakalatag sa mahigit 2.5 hektarya’. Nakakalungkot lamang na lahat ng ebidensya ng mga nasabing ‘bahay’ ay pinatag ng mga sumunod na mananakop.

Sa totoo, ang madalang na ebidensya ay akma sa ideya na ang lugar ay bukirin lang ng isang magsasakang pamilya sa loob ng maraming siglo – at ang bukid ng isang mag-anak ay hindi katumbas ng isang nayon.

 

Mga paghuhukay ni Michael Avi-Yonah sa Caesarea noong 1962


Ang Caesarea

Umpisang magtatagpo ang kasaysayan at arkeyolohiya sa pagkatuklas ng isang piraso ng kulay-abong marmol sa sinagoga ng Caesarea Maritima noong Agosto 1962. May petsa mula pawakas na bahagi ng ika-3 o maagang bahagi ng isa-4 na siglo, ang bato ay may taglay ng unang pagkakabanggit ng Nazareth sa isang sulating hindi Cristiano. Pinangalanan ang Nazareth bilang isa sa mga dako ng Galilea kung saan ang mga saserdoteng angkan ng Judea ay lumikas pagkatapos ng mapait ng digmaang Hadrianico noong 135 AD. Ang mga pangkat na ito ay mananatili lamang sa mga bayan na hindi pa ukupado ng mga Gentil, kabilang ang karatig-bayan na Sephhoris. Maliwanag na ang mga saserdote ay binukod noon pang unang panahon sa labingdalawang pangkat na nagsasalitan sa paglilingkod sa Templo. Ganito ang kabuuan ng nakasuat: 

''Ang ika-labingwalong pangkat ng saserdote [na tinatawag na] Hapizzez [ay lumipat sa] Nasareth.'
– J.D. Crossan (The Historical Jesus [Ang Historikal na Jesus])


Ilang mga saserdoteng Judio at ang kani-kanilang sambahayan ang silang bumuo ng maliit na lupon ng mga bahay sa timog-silangan ng lambak hanggang ika-4 na siglo. Malamang ay ginamit rin nila at dinugtungan ang mga matatandang libingan sa malapit. Nang lumaon, ang baryo ng mga Judio ay pinalitan ng presensya ng mga Cristiano sa may gawi pa roon ng hilaga, malapit sa ‘Balon ni Maria’.

Maaaring ipalagay ng ilan na ang pagsakop ng mga Cristiano sa nag-iisang kuhanan ng tubig na ito ang nagtulak sa mga Judio na lumisan, at sa gayo’y sinimulang pakinabangan ng mga paring Griyego ang ika-2 siglong sinagoga na naroon – kilala bilang ‘sinagogang simbahan’ – magmula ika-4 na siglo, nang makamtan na ng simbahan ang estado bilang opisyal na relihiyon ng imperyo. Isang bayan ang umusbong sa dako, dahilan para layasan ang mga matatandang gusaling Judio at ang pagtigil sa paggawa ng mga bago. Katulad ng mga nasa Capernaum, ang mga nasabing gusali kadalasan ay wala mang mga haligi. Ang mga Judio ay saka na lamang piniling mamirmihan muli sa lambak, at alam natin ito dahil pinalayas nanaman sila doon noong ika-7 siglo bunga ng pakikipagkutsabaan sa mga Persyano.

 

Pagkakaroon ng Pangalan

Ang bansag na ‘Jesus na Taga-Nazareth’, kung tutuusin, ay isang maling salin ng orihinal na Griyegong ‘Jesous o Nazoraios’. Ang higit na nararapat na bansag ay ‘Jesus na Nazareno’, kung saan ang salitang Nazareno ay walang kinalaman sa pangalan ng isang lugar. Ngunit ano ang ibig sabihin nito at paano ito naikapit sa isang maliit na nayon? Ang ugat ng salita ay galing sa isang masalimuot na salitang Hebreo na NZR.

Sa Ebanghelyo ni Felipe, isang gnostikong sulatin mula ika-2 siglo, ay ganito ang paniwanag:

‘Ang mga apostol na nauna sa atin ay madalas siyang tawagin na Jesus na Nazareno ang Cristo … ang “Nazara” ay “Katotohanan”. Kung gayon, ang ‘Nazareno’ ay “Siya na Nasa Katotohanan”’…’

– Ebanghelyo ni Felipe, 47.

Ang alam lang natin ay orihinal na pangalan ng isang sektang Judeo-Cristiano iang ‘Nazareno’ – isang pangkat, o sanga, ng mga Essene. Wala silang anomang kaugnayan sa lungsod ng Nazareth. Ang ugat ng kanilang pangalan marahil ay ‘Katotohanan’ o maaaring hango sa pangngalang Hebreo na ‘netser’ (‘netzor’), na ang kahulugan ay ‘sanga’ o ‘bulaklak’. Ang pangmaramihan ng ‘Netzor’ ay ‘Netzoreem’. Wala kahit anomang banggit na Nazareno sa mga sulat ni Pablo. Ang mga Nezorim ay lumitaw noong pawakas na bahagi ng unang siglo, matapos idagdag sa mga pang-araw-araw na panalanging Judio ang isang sumpa para sa mga erehe.

‘Tatlong ulit sa isang araw ay sinasabi nila: Sumpain nawa ng Dios ang mga Nazareno.’

– Si Epiphanius (Panarion 29.9.2)

Marahil itinuturing nga mga Nazareno ang kanilang mga sarili bilang ‘sanga mula sa puno ni Jesse (ang ama ng tanyag na Haring David)’. Nakakatiyak tayo na mayroon sila ng maagang bersiyon ng ‘Mateo’. Ang naglahong akda – ang Ebanghelyo ng mga Nazareno – ay siguradong hindi nangangahulugan na ito ay ‘Ebanghelyo ng mga Taga-Nazareth’.

Ang sumunod na Ebanghelyo ni Mateo ang nagpasimula ng panlilinlang na ang pamagat na ‘Jesus na Nazareno’ ay may kaugnayan sa Nazareth, sa pamamagitan ng pagsitas nito sa ‘hula’:

“At naparoon siya at nanahan sa isang lungsod na tinatawag na Nazareth: upang matupad ang sinasabi ng mga propeta, Siya ay tatawaging Nazareno.”

– Mateo 2.23.

Sa pagsasabi nito ay tinapos ni Mateo ang kanyang guniguni tungkol sa kabataan ni Jesus. Ngunit mali si Mateo sa pagsitas na ginawa niya – dahil alam na alam niya na wala saanman sa mga kasulatan ng mga propetang Judio mayroong tinutukoy na Nazareno. Ang totoong ‘hinuhulaan’ (o kahit papaano ay maraming ulit binanggit) sa Matandang Tipan ay ang paglitaw ng isang Nazarita. Halimbawa:

"Masdan, ikaw ay maglilihi at magsisilang ng isang anak na lalaki; at walang pang-ahit ang dadapo sa kanyang ulo: sapagkat ang sanggol ay magiging isang Nazarita sa Dios mula sa sinapupunan: at pasisimulan niyang iligtas ang Israel mula sa kamay ng mga Filisteo.”

– Mga Hukom 13.5.


Tusong iniba ni Mateo ang isang salita. Sa pagpalit sa Nazarita (‘siya na sumusumpang pahabain ang buhok at maglingkod sa Dios’) ng ibang salita sa wari ay tumutukoy sa ‘pagkamamamayan’ nito sa isang rehiyon, tagumpay niyang nabigyan ng isang tinubuang-bayan ang kanyang inimbentong bayani.

Ngunit paano nakuha ng nayon ang pangalan nito?

Lumalabas na, sampu ng mga Nozerim, isa pang lupon ng mga Judeo-Cristiano, ang mga Evyonim – ibig sabihin ‘mga Dukha’ (nang maglaon ay tatawaging Ebionita) – ang lumitaw sa mga panahon ding ito. Ayon kay Epifanio (Obispo ng Salamis, Cyprus, humigit kumulang 370 AD), bumangon sila mula sa mga Nazareno. Naiba sila ng doktrina mula sa orihinal na grupo sa pagtatatuwa nila kay Pablo at sa pagiging ‘mga Judio na nagbibigay galang kay Cristo bilang tao …’ Sila rin, kung titingnan, ay may sariling sinaunang bersiyon ng Mateo – ‘Ang Ebanghelyo ng mga Hebreo’ . Ang pangalan na piniling mailapat sa kanilang sarili ay ‘Mga Tagapangalaga ng Tipan’; o sa Hebreo, Nozrei haBrit, samakatuwid mga Nosrim o Nazareno!

Sa madali’t sabi, pagdating sa subukan, ang mga orihinal na Nazareno ay naghati sa dalawa: Ang mga nagtangkang manatiling nakasiksik sa kandungan ng Judaismo ('Evyonim'-Nosrim), at ang mga nagtakwil sa Judaismo ('Christian'-Nosrim).

Ngayon, talastas natin na may isang pangkat ng saserdoteng angkan na namirmihan sa rehiyon ng lambak ng Nazareth matapos ang kanilang kasawian sa digmaang Bar Kochba noong 135 AD (tingnan sa itaas). Malaki ang probabilidad na sila ay mga Evyonim-Nosrim, at tinawag nila ang nayon nila na ‘Nazareth’ o nayon ng mga ‘Dukha’ dahil sa kanilang awa sa sarili o dahil isang mahalagang aral para sa kanila ang kadukhaan.

“Mapalad ang mga Dukha sa espiritu sapagkat sa kanila ang kaharian ng Dios.”

– Mateo 5,3.

Narinig ng may-akda ng Mateo (ang bumutingting sa mga kuwento sa proto-Mateo) ang tungkol sa angkan ng mga “saserdote” na lumikas patungo sa mga dako ng Galilea na tinawag nilang ‘Nazareth’ – at nagpasya siyang gamitin ang pangalan ng bagong nayon bilang tinubuang-lupa ng kanyang idolo.

 

 

Malabong Kuwento, Malabong Heyograpiya

Iniwasan ng mga orihinal na manunulat ng mga ebanghelyo ang magbigay kamusmusan, kabataan, o kabinataan kay JC dahil hindi naman ito kailangan sa kanilang pangunahing drama ng isang namatay/nabuhay muli na dios-araw. Ngunit alam naman natin, lumalawig ang kuwento habang nagsasaling-bibig ito, lalo na nang lumilipas ang mga dekada at hindi bumabalik ang ipinangakong manunubos at hukom. Ang bumutingting sa Ebanghelyo ni Marcos, nang repasuhin niya ang kanyang akda noong pagitan ng 140 at 150 AD, ay ipinakilala niya nang isang ulit lamang ang pangalan ng lungsod sa unang kabanata gamit ang mga salitang ito:

“At nangyari noong mga araw na yaon, na pumarito si Jesus mula sa Nazareth ng Galilea…” – Marcos 1.9.

Mula rito ay halos nakalimutan na ang pangalan. Maaari nating akalain na ang apat na banggit sa Marcos ay mga dagdag na lamang ng kung sino-sino noong tapos na ang aklat.

Maaari rin nating tuntunin ang nangyaring pag-ahon ng Nazareth sa Ebanghelyo ni Lucas. Si Lucas ang manunulat na nagbigay diin sa kaugnayan ni JC sa ‘Nazareth’. Si Lucas ang manunulat na malimit magbigay-tinig sa kanyang pananaw laban sa Capernaum. Naniniwala ang mga dalubhasa na si Lucas ay hindi Judio dahil sa mga ‘nagdudumilat na pagkakamali niya sa mga bagay-bagay na Judio’. Mali-mali rin ang kanyang kaalaman sa heyograpiya. Katiting ang alam niya tungkol sa mga lugar-lugar at sa kanyang kuwentong-barbero ay isang imposibleng tagpo ang kanyang isasalaysay:

“…at dinala siya sa tuktok ng bangin sa bundok na kinatitirikan ng kanilang lungsod.”  – Lucas 4.29. 


Ang katotohanan, nakapuwesto ang Nazareth sa isang malalim na lundo sa lupa, sa pusod ng mga mahinahong burol. Ang buong rehiyon ay kilala sa malumanay na pagpapalitan ng kapatagan at mga mahinhing alon ng lupa, walang mga matutulis na tuktok o matatarik na bangin. Wastong tawagin ang lupain bilang alta basina, sapagpat sa isang direksyon ay ang Kapatagan ng Esdraelon. Ngunit walang pag-aalinlangan na ang Nazareth ay nasa isang lambak at hindi sa isang bundok. Kahit ang bayan noong panahong medyibal ay nakatindig na mas mababa kaysa tuktok – nakalilim sa mga hangin. Noong lamang 1957 nang ang isang distrito na tinatawag na ‘Nazerat Illit’ (‘Upper Nazareth’) ay pasimulang itatag sa ibabaw ng mga burol sa may silanganan ng lungsod.

 

Sa harapan (sa ilalaim ng matulis na gusali): – kung saan diumano matatagpuan ang ‘lungdod’ ng Nazareth noong unang siglo:

Sa likuran at bandang kanan: Ang ‘Bundok ng Bangin’ (kilala rin bilang ‘Lundag ni Lord’)



Sa halip na ihulog mula sa tuktok ng bundok, baka sa totoo ay mas balak ng mga tao na pagulungin si Jesus?

Mahabang oras ng paglalakad ang kakailanganin upang maabot ang tuktok ng bangin mula sa ‘sinagoga’ na nasa sentro ng lungsod!

 

Bayang Itinatag ng Kukote ng mga Teyologo

Noong ika-3 siglo, kabisado na ng ama ng simbahan na si Origen ang kuwento ng ebanghelyo tungkol sa Nazareth – ngunit wala siyang kamuwang-muwang kung nasaan ito – kahit pa nakatira siya sa Caesarea na tatlumpung milya lang ang layo! Noong panahon ni Origen, habang nagiging lalong institusyunalisado ang Simbahan, matinding selosan ang nagaganap sa pagitan ng mga pinuno ng Caesarea at Jerusalem. Naayos lamang ang selosang ito (pabor sa Jerusalem) sa Chalcedon noong 451. Bahagi ng inggitan ay nakapaikot sa pangangasiwa sa mga ‘banal na dako’. Kung gayon, isang napakahalagang bagay noon na ‘mahanap’ ang Nazareth.

Pasok si Reyna Elena. Ang ochenta anyos na magulang ng emperador ang magiging tagasagip. Noong ika-4 na siglo, habang inihahanda na ng matanda ang sarili sa napipintong pakikiharap sa kanyang Manlilikha sa pamamagitang ng kung ano-anong ‘mga mabubuting gawa’, hinangad niyang ibsan ang kanyang budhi kaya namanata sa Palestina. Sa palibot ng Nazareth ay wala siyang mahanap kundi isang matandang balon – sa katunayan ito ang nag-iisang kuhanan ng tubig sa buong lugar (dito pa lamang ay sira na ang ideya na nagkaroon ng bayan dito). Marahil dahil sa sulsol na rin ng mga tagaroon, dali-daling binansagan ni Elena ang nasabing butas sa lupa bilang ‘balon ni Maria’, at pagkatapos ay nagpatayo ng isang maliit na basilica sa ibabaw nito. Mabuti na lang, hindi niliwanag ng mga ebanghelyo kung nasaan mismo si Maria nang siya ay dalawin ni arkanghel Gabriel. Kaya madaling sabihin ng mga tagaroon na sa tabi ng balon ito nangyari. Resulta: nagkaroon sila bigla ng kanilang unang simbahan.

Inimbento ni Elena ang negosyo ng pamamanata na hanggang ngayon ay buhay na buhay pa.

Ang ‘Balon ni Maria’. Ang butas sa lupa na ito ang pinaka katunayan ng Sagrada Familia (halos pantay silang nakakabilib ng libingang walang laman sa Getsemane) 

Pansinin ang offering box sa may kanan sa ibaba.

 

Ang Daan ng Mga Namamanata Petsa Ika-4 na Siglo – pero WALANG NAZARETH!

 

Itinerarium Burdigalense– ang ruta ng isang Di-Pinangalanang Namamanata galing Borduex: ang pinakamatandang salaysay na nanatili hanggang ngayon mula sa isang turistang deboto. Tinatayang may petsa ito na 333 AD. Karaniwang makikita noon sa Roma, ang ruta ay isang listahan ng mga bayan, kasama ang agwat ng mga ito, at ilang mga nota,

Habang dumaraan ang namamanata sa Jezreel (Stradela) ay babanggitin niya si Haring Ahab at Goliath. Sa Aser (Teyasir) ay babanggitin niya si Job. Sa Neapolis ay tutukuyin niya ang Bundok ng Gerizim, si Abraham, Jose, at ang balon ni Jacob sa Sichar (kung saan ‘nanghingi ng tubig si JC sa Samaritanang babae’). Daraanan niya ang nayon ng Bethel (Beitin) at babanggiting ang pakikibagbuno ni Jacob sa Dios at si Jeroboam. Tutuloy siya sa Jerusalem.

Ang ating namamanata – abala sa mga kuwento ng Matanda kaysa ng Bagong Tipan – ay walang man lang sinabi tungkol sa ‘Nazareth’.

Isang salinglahi pa matapos magpalibot-libot ang huklubang reyna, isa pang matandang lelang, si Senyora Egeria, ang gumugol ng maraming taon sa lupain upang ‘araw-araw ay lalong maging banal’.

Si Egeria – isang Kastila tulad ni Emperador Teodosio noon, at siguradong bahagi ng mga ayudante ng hari – ay umabot sa palibot ng Nazareth noong 383. Sa panahong ito, pinakita sa kanya ng ilang tusong mga pari ang isang ‘malaki at lubos na mahusay na yungib’ at tiniyak sa kanya na dito nanirahan si Maria! Iginiit ng mga diumano’y Tagapangalaga ng Yungib, sa pagtatanggi na matalbugan sila ng mga Tagapagbantay ng Balon, na ang yungib, hindi ang balon, ang siyang dako ng pagpapakita ng anghel. Bilang resulta, naging isa nanamang puntirya ng mga namamanata ang diumano’y ‘groto’ na ito, kung saan – noong 570 – ay itinindig ang isa nanamang basilica. Sa kasalukuyang panahon, sa ibabaw at paligid ng Kapitapitagang Groto ay nakatayo ng pinakamalaking temadong pasyalang Cristiano sa Gitnang Silangan.

Ang groto sa ilalim ng Basilica ng Pagpapakita. Ang tahanan ng pagkadalaga ni Maria (o, kung gugustuhin, ang tahanan ng buong sagrada falmilia).

 

Kahit noong pawakas na bahagi na ng ika-4 na siglo – panahon na kuntrolado na ng Simbahan kung alin ang tama at maling doktrina – wastong ipinapakilala pa rin ni Jerome ang Nazareth bilang ‘isang napakaliit na nayon ng Galilea’ (Onom. 141.3). Alam na alam niya iyan: dahil tinakasan niya ang isang iskandalo sa Italya upang magtatag ng isang pasyalang retreat dito para sa mga mayayamang Romano. Kung hindi pa ito pinasyalan ng dalawang mahahalagang tauhan ng Imperyo isangdaang taon ang nakalipas, ni hindi man lang iiral ang naturang nayon.

Pagdating ng ika-5 siglo, ang diumano’y dako ng Nazareth – markado na ngayon ng dalawang simbahan – ay naging isang paboritong puntahan ng mga deboto (at maperang) mga namamanata. Batid natin na mayroong isang Piacenza na nagpunta doon noong 570, ang isang Arculf na dumalaw noong 638, isang Wilhebald noong 724, isang Al Mas’udi noong 943. Noong 1102, iniulat ni Sewulf, tulad ng mga naunang bisita, na tanging ang simbahan ng pagpapakita ang masasaksihan doon.

Noong 636, dinaluhong ng mga hukbong Arabo ang mga sakop ng Byzantina sa Palestina, kasama ang Nazareth. Nanatili sa lugar ang mangilan-ngilang Cristiano, kahit na ipinasailalim sila sa mga mga mahihigpit na pagbabawal at mabibigat na buwis. Pagkalipas ng mga limangdaang taon pa, sinakop ng mga Crusadero ang lambak at nagtayo ng isang kuta. Sa mga panulukang-bato ng naunang groto ng Byzantina ay nagtayo sila ng isang lalong magarbong simbahan, na mas akma sa kanilang obispo.

 

Ang matandang bayan ng Nazareth – isang temadong pasyalan ng sangkakristiyanuhan

 

‘JesuMundo’

.

 

Sa gitna ng bayan, ang dambuhalang Simbahan ng Pagpapakita ng Iglesia Katolika (pinakamalaking simbahang sa Gitnang Silangan), initayo sa ibabaw ng maraming mga yungib.

Pag-akyat ng burol, ang Simbahan ni San Jose, itinayo sa iba pang mga yungib (‘bahay at talyer ng karpintero’).

Pagtawid ng kalye, ang ospisyo ng Sisters of Nazareth, itinayo sa ibabaw ng mga matatandang yungib, na may malaking gumugulong na bato bilang pintuan!

Sa banda pa roon ng kalye, ang Simbahang Griyego Katoliko, katabi ng isang sinagoga.

 

Sa kasalukuyan, mahigit sa isang milyong dayuhan (kalahati ng mga turista sa Israel) ang bumibisita  sa Nazareth. Sino nga naman ang may gustong mawala ang malaking mapagkukuwartahan na ito? Mabuti pa manahimik na lang ...

Walang katunayan na umiral ang isang bayan ng Nazareth noong unang siglo: wala sa literatura, wala sa arkeyolohiya, wala sa historya. Isa itong inimbentong lungsod para sa isang inimbentong panginoon.

 

 

Related articles
Home
A Surfeit of Jesuses! – But No "Jesus of Nazareth"
 
Would they lie? – Copy and Glorify!
 
"Mark" – Bringing the Celestial Superjew Down to Earth
 
Mary, Mary ... Immaculate Deception
 
"Saint Peter" – Linking Rome back to the Godman
MAJOR SECTIONS

Do you really think it all began with a sanctimonious Jewish wonder-worker, strolling about 1st century Palestine? Prepare to be enlightened.
  Jesus The Imaginary Friend

Still holding to the idea that some sort of holy man lies behind the legend? Better check out...
Godman – Gestation of a Superhero

A closer look at the glib assertion that the Jesus story "got off the ground quickly and spread rapidly."
What DID the Early Christians Believe?


Many currents fed the Jesus myth, like streams and tributaries joining to form a major river.
Sourcing the legend – The Syncretic Heritage of Christianity


Much of the mythology of Christianity is a rehash of an older and even more transparent fabrication – Judaism.
Jew Story – The Way of the Rabbi


Human ingenuity and cunning is matched by mankind's equally monumental credulity and wishful thinking.
Christianity's Fabrication Factory


Church organisation, authority and membership preceded rather than followed the justifying doctrine. As the organisation and its needs changed so has the ‘Testament of God’ adapted accordingly.
Dogma – The Word in all its Savage Glory

From religious policeman to grandee of the church, from beast fighter in Ephesus to beheading in Rome, Paul's story has more holes than a swiss cheese.
 St Paul the Apostle Dead in the water?


Orchestrated by ambitious Christian clerics, a cancer of superstition, fear and brutality was imposed across Europe.
Heart of Darkness – The Criminal History of the Christian Church


The Christian Heaven may have been a vain folly but the Christian Hell has been real enough.
Hell on Earth – A Brutal Superstition Spreads Across the World


Raised to the status of State religion the Christian Church reigned over the destruction of civilization. As the centuries passed religious barbarism grew ever more vicious.
Winter of the World – The Terrible Cost of "Christendom"

For two millennia Christianity's anti-sexual, puritanical doctrines have inflicted untold damage on the mental, emotional and physical lives of countless millions of people.
Those SEXUALLY hung-up Christians – Loved-up for Jesus


With a Jewish father (stern patriarch) and a Christian mother (obsession with guilt and heaven) it is not surprising that Islam grew up a bit of a tartar.
Islam's Desert Storm – 'Christendom' Reaps a Whirlwind

Heaven help us. The richest, most powerful nation in history has a psychotic infatuation with Jay-a-sus the Lawd!
The Christianizing of the Americas

 

 

 

 

Enlighten a friend e-mail this page

 

 

Copyright © 2004 by Kenneth Humphreys. Filipino edition 2009.
Copying is freely permitted, provided credit is given to the author and no material herein is sold for profit.

 

 

 

 

 

 

Enquiring Minds: